PBA: Unang pwesto sa Group B, nasilat ng Rain or Shine
Nasilat ng Rain or Shine Elasto Painters ang unang pwesto sa Group B matapos na matalo nito ang San Miguel Beermen sa score na 122-112 sa nagpapatuloy na PBA Season 49 Governor’s sa Ninoy Aquino Stadium nitong Huwebes ng gabi.
Masaya si coach Yeng Guiao sa naging resulta ng kanilang laro dahil nalutas na umano nila ang problemang kanilang nakita sa SMB partikular kay June Mar Fajardo. Itinuturing ni Guiao na tsamba ang nangyaring pag neutralize nina Aaron Fuller at Beau Belga kay Fajardo kung kaya natapos na nito ang 11 game losing streak ng Elasto Painters laban sa SMB.
“Nagtulungan lang kami sa depensa. June Mar is really a handful for us. Aaron did an excellent job just putting a body on June Mar the whole game [and] itong si Beau. Pinagtulungan nila 'yung role na 'yun,” ani Guiao.
"Sa tagal ng panahon, na-tsambahan din namin. Masyadong mabigat ang San Miguel, at mabigat na panalo ang nakuha na in. At may chance kami ngayon mag No. 1. If we finish that job (versus Blackwater), siguro it's a better place in the quarters, better matchup for us," dagdag ni Guiao.
Dahil naman sa panalo, mayroon ng pitong panalo at dalawang talo ang Painters habang ang Beermen naman ay mayroong anim na panalo at tatlong talo.
Nanguna sa panalo ng Rain or Shine si Andrei Caracut na nagtala ng 20 points, walong assists at tatlong rebounds habang mayroong 16 points, limang assists, apat na rebounds at isang block si Beau Belga at ang import na si Aaron Fuller ay mayroong 17 points, 11 rebounds, apat na assists at dalawang blocks. Itinanghal namang Player of the Game si Beau Belga.
The Scores:
RAIN OR SHINE 122 – Caracut 20, Fuller 17, Belga 16, Nocum 16, Mamuyac 12, Norwood 10, Lemetti 8, Clarito 7, Santillan 6, Ildefonso 5, Tiongson 3, Asistio 2.
SAN MIGUEL 112 – Perez 27, Romeo 24, Adams 24, Fajardo 14, Trollano 6, Cruz 5, Manuel 4, Lassiter 3, Ross 3, Teng 2.
Quarter Scores: 33-32, 61-59, 97-88, 122-112