PBA: Robert Jaworski at Coach Tim Cone bibigyan ng paranagal sa 30th PBAP Corp Annual Awards Night

Rico Lucero
photo courtesy: PBA

Gagawaran ng Lifetime Achievement Award ang itinuturing na alamat ng PBA na si Robert ‘Sonny’ Jaworski sa 30th PBA Press Corps Annual Awards Night sa September 24 sa Novotel Manila Araneta City.

Si Jawo ay pangalawa na tatanggap ng award pagkatapos ni Alaska team owner Wilfred Uytengsu sa 25th anniversary ng PBAPC noong 2019.

Itinuturing na pinaka-popular na naglaro sa liga si Jaworski sa loob ng 23 season ng pamamalagi niya sa PBA kung saan napantayan ito ni Asi Taulava noong 2022.

Naging Most Valuable Player (MVP) noong 1978 si Big J, nakaipon ng 13 championships bilang player at coach mula 1975 hanggang 1997. Siya pa lang ang nag-iisang player na naglaro sa edad 50.

Samantala, tatanggap naman ng President’s Award sa 30th PBA Press Corps Awards Night si coach Tim Cone ng Ginebra. 

Hindi rin matatawaran ang mga ginawang pagsisikap ni Cone para sa mga manlalaro nito lalo na sa players ng Gilas habang ginigiyahan din ang Gin Kings sa PBA.

Dinala ng Gilas ang momentum sa FI­BA Asia Cup qualifiers matapos ilampaso ang Hong Kong, 94-64, at Chinese Taipei, 106-53.

Mas lalo pang gumawa ng ingay ang GIlas Pilipinas nang gulantangin ang World No. 6 Latvia, 89-80, sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia.

Ihahanay ang pangalan ni Cone sa mga unang recipients ng President’s Award kabilang ang buong PBA Board, Gilas Pilipinas men’s basketball at PBA great Vergel Meneses na mayor na ngayon ng Bulakan, Bulacan.