PBA: Robert Bolick at June Mar Fajardo pararangalan sa PBAPC Awards Night
Rarampa sa 30th PBAPC Awards Night sina NLEX player Robert Bolick at SMB player June Mar Fajardo na isasagawa sa September 24 sa Maynila.
Pararangalan bilang Scoring Champion si Bolick kung saan nakapag-average ito ng 25.3 points sa unang taon niya sa koponan ng Road Warriors. Sa record ni chief statistician Fidel Mangonon III, ang season average ni Bolick ang pinakamataas sa nakalipas na 11 seasons mula nang makapagtala ng 25.6 points per game si Gary David noong 2011-2012 season.
Si Fajardo naman ay tatanggap ng Order of Merit. Ito na ang pangatlong Order of Merit na kaniyang matatanggap mula sa scribes na regular na nagko-cover ng PBA beat, nakuha niya ang unang dalawang Order of Merit noong 2018 at 2019.
Si Fajardo, ang nag-iisang 8th time MVP ng liga, at naging prominente rin sa “Game of the Season” kung saan nakipagpalitan siya ng clutch play laban kay Chris Newsome.
Samantala, magiging panauhing pandangal at keynote speaker naman sa 30th PBAPC Awards Night si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Executive Director Sonny Barrios kung saan matagal itong naging deputy commissioner ng yumaong Emilio "Jun" Bernardino bago naging pinuno ng unang propesyonal na liga ng basketball sa Asya noong 2008.
Matapos umalis sa PBA noong 2010, ipinagpatuloy ni Barrios ang pakikipagtulungan sa PBA sa kanyang kapasidad bilang executive director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).