PBA: Retiradong si Joe Devance, maglalarong muli sa Gin Kings

Rico Lucero
photo courtesy: PBA

Muling maglalaro para sa Barangay Ginebra si Joe Devance matapos ang kanyang pagreretiro. 

Sa inilabas na memo ng PBA, pinili ng Gins si Devance na pumalit sa rookie player na si Paul Garcia dahil sa pagiging unrestricted free agent nito. 

Matatandaang noong June 1, 2022 ay inanunsiyo ni Devance ang kanyang pagreretiro sa PBA.

Sa pagbabalik aksyon ng 42-year-old Filipino-American sa hardcourt, magiging malaki ang tulong ni Devance sa Ginebra sa pagharap nila sa playoffs ngayong season lalo pa’t marami na itong championship experience. 

Magsisilbi siyang backup center sa playoffs ng Gins kasunod ng mga nangyaring injury kay Isaac Go. Malaking hamon din sa Ginebra ang playoffs sa season na ito dahil kulang ito ng mga manlalaro gaya nina Jamie Malonzo at Jeremiah Gray.

Sinabi ni Devance na naging surreal ang pagbabalik nito sa koponan at ikinararangal niya na muling makapaglaro sa Barangay Ginebra at masaya ito dahil suportado ng koponan ang kanyang comeback sa playoffs. 

“Through it all, it brought me back here. This is a surreal feeling I’m going through right now. This is the closure I wanted and needed. I am honored to have this chance. I’m on an emotional rollercoaster because I never had my family not watching me play. They would have enjoyed this moment with me through all the battles, the high times and the low times with every team, my family has always been my support system,” sabi ni Devance. 

Sa pagkakataong ito, wala munang honeymoon period para kay Devance at Ginebra coach Tim Cone. 

Sa katunayan, magkasama na ang dalawa sa Alaska team mula noong 2008 hanggang sa lumipat ito sa Star Hotshots noong 2011 at Ginebra noong 2015. Nanalo sila ng 11 titulo kasama si Devance na itinanghal na isa sa mga “most versatile big men” at si Cone naman ay naging matagumpay na mentor ng liga na mayroong 25 PBA crowns.