PBA: Rain or Shine at Barangay Ginebra, muling magtatagpo ang landas

Rico Lucero
photo courtesy: PBA file photo

Muling magtatagpo ang landas ng Barangay Ginebra at Rain or Shine sa second round ng PBA Season 49 Governors’ Cup ngayong Biyernes sa araneta Coliseum. 

Magugunitang naisahan ng Elasto Painters ang Gin Kings nang magharap sila noong August 24 sa Candon City. 

Ayon kay coach Yeng Guiao, mas lalo nilang nakikitang gumaganda ang laro dahil malalalaman ng Elasto Painters at makikilala na nila ang tunay na Ginebra sa kanilang sagupaan ngayong araw. 

“The Ginebra we played in Candon is not the real Ginebra, so eto nga gumaganda na ‘yung laro nila,we will be playing a tougher team, a better conditioned team and I’m sure ayaw nilang maulit ‘yung nangyari sa Candon. Pero kami gusto namin maulit.” ani Guiao

Inaasahan din ni coach Guiao ang magiging run-and-gun performance ng kanyang mga batang players sa pangunguna nina Gian Mamuyac, Adrian Nocum, Andrei Caracut, Felix Lemetti at sa depensa nina Caelan Tiongson at Aaron Fuller.

Magugunitang nakatatlong sunod na panalo na ang Gins, matapos ang huli nitong laban kontra  Blackwater 112-98 noong September 10. Samantala, isang panalo pa ang kailangan ng Elasto Painters para  makakasiguro ng slot sa quarterfinals pagkatapos ng 10-game intra group eliminations.

“Parang gusto ko nang maniwalang contender na kami, pero hindi pa masyado, bago nakangiting dinugtong, “medyo maniniwala na ako kapag nadalawahan namin Ginebra, pero sa ngayon hindi pa ako masyado kumbinsido.” dagdag ni Guiao

Umaasa naman si coach Tim Cone na natuto na sila sa pagkatalo ng Gins sa kamay ng Elasto Painters. 

“That was a game which we led for 3 1/2 quarters, and basically they blew us up in the last quarter. We gotta learn from that, “Look at Rain or Shine’s pattern, that’s basically the way they play. They play all their guys, they keep their guys fresh and in the fourth quarter they come out and beat you out.” ani Cone.