PBA: Kamalasan ng NorthPort tinapos na vs. Dyip
Tinapos na ng NorthPort Batang Pier ang sunod-sunod nilang kamalasan kanilang natanggap, ito ay matapos na tinambakan ng Batang Pier ang Terrafirma Dyip sa score na 133-107 sa pagpapatuloy ng PBA Governors’ Cup season 49, nitong Linggo.
Pinangunahan ni Arvin Tolentino ang laro na kumolekta ng 23 points 11 rebounds at 10 assist dahilan para makuha ng Batang Pier ang 3-3 standing sa Group A.
Si Tolentino ay una nang kumanada ng 51 points matapos na tinalo ng Batang Pier ang Converge, sinabi ni Tolentino na hindi nila makukuha ang panalo kung hindi rin dahil sa effort ng kanyang teammates.
“Of course, credit din to my teammates and to my coaches, Getting a triple-double, hindi lang naman isang tao lang eh or isang player lang,” ani Tolentino.
Sa umpisa pa lang ng first quarter ay maagang lumamang ang Batang Pier sa 30-8 hanggang sa makapagposte ng isang 28-point lead sa third quarter.
Pagdating sa fourth quarter ay halos lumapit na ang Terrafirma sa score na 96-109 ngunit pinasadahan ng 16-5 na puntos ang ginawa ng NorthPort para ilista ang 125-101 bentahe sa huling 2:30 minuto.
Matatandaang una nang binigo ng NorthPort ang Terrafirma, sa score na 112-93, sa una nilang pagkikita sa first round noong Agosto 23.