PBA gagamit na ng 4-point shot sa Pagbubukas ng Governor’s Cup

Rico Lucero
PHOTO COURTESY: BUSINESSWORLD ONLINE

Gagamit na ang PBA ng 4-point shot sa muling pagbubukas ng season nito sa susunod na buwan.

Ito ang tiniyak ng bagong PBA Chairman Ricky Vargas sa kanilang planning session sa Swissotel Nankai, Japan.

Ayon kay Vargas bahagi ito ng ilang pagbabago sa mga tuntunin ng PBA na sisimulan na sa pagbubukas ng Governor’s Cup.

Aniya, magpapalagay na sila ng panibagong arc line sa court na may sukat na 27-feet, kung saan ito na ang magiging 4-point shoot area ng mga players, habang mananatili naman ang 3-point line arc na may sukat na 23-feet.

Ayon naman kay Vice Chairman Alfrancis Chua, kung kaya ng mga players na bumato ng puntos sa gayong kalayong distansiya ay kailangan na nilang mag extend ng shoot zone, at magiging mabilis na ang laro ng bawat team at magiging man-to man na ang lahat sa team.

Matatandang una itong ipinakilala at ginamit noong 2023 PBA All Star Game sa Passi City, Ilo-Ilo at namalaging ginamit hanggang nitong mid-season event ng  2024 sa Bacolod City.

Sa huling All-Star game na ginanap sa Bacolod, nasaksihan ang kauna-unahang five-point-play nang maipasok ni Robert Bolick ang kanyang tira sa four-point line kung saan na-foul siya ni Calvin Oftana habang may 17 segundo pang natitira sa laro.

Naipasok ni Bolick ang bonus free throw upang tumabla ang Team Mark sa Team Japeth, 140-140 upang magkaroon ng draw sa pagtatapos ng All-Star game.