PBA: Elasto Painters, target manguna sa Group B.
Matapos ang pagkatalo sa mga kamay ng Beermen noong nakaraang linggo, target na ngayon ng Elasto Painters na ibigay na ng todo ang kanilang buong makakaya manguna sa Group B at makuha ang 5-1 standing kontra Phoenix Fuel Master sa kanilang sagupaan ngayong Martes.
Ayon kay coach Yeng Guiao, kailangan nilang maka-anim na panalo ngayon para makapasok na sila sa quarterfinals, kailangan nila aniya ngayon ay makarating sila sa susunod na round.
Sinabi pa ni Guiao na magiging maingat na sila ngayon sa pagharap sa Phoenix dahil noon aniyang una nilang paghaharap ay nahirapan na sila kahit na wala silang import na pinapaglaro.
"Kailangan namin ng six wins so pag nanalo kami we feel one foot inside the door na kami sa quarterfinals. We look at it that way. Kumbaga ang importante lang makarating kami ng next round ng the sooner, the better. We are cautious in our approach to the Phoenix game kasi tinalo namin iyan wala silang import pero nahirapan pa rin kami. Nu'ng bandang huli lang kami nakalayo," ani Guiao.
Sa muling sagupaan ng Elasto Painters at Phoenix, dagdag ni Guiao na sa tingin niya ay mas mahirap ngayon ang magiging larong ito.
"We had a hard time against them before. Now their import is getting to know their team better so ang tingin namin mas mahirap itong laro na ito," dagdag ni Guiao.
Magugunitang noong Agosto 30 ay natalo ng Rain or Shine ang Fuel Masters sa kanilang unang sagupaan sa score na 116-99 sa Malate, Manila.