PBA: Depensa ng Phoenix, nalusutan ng SMB
Nalusutan ng San Miguel Beermen ang mahigpit na depensa na ginawa ng Phoenix Fuelmasters matapos makuha nito ang panalo sa score na 111-107 nitong Miyekules.
Humataw sa laro si June Mar Fajardo na nakapagtala ng 37 puntos at 24 rebounds sa kanyang unang laro mula nang manalo sa kanyang ikawalong MVP.
Sinimulan ni Fajardo ang 49th season na may kaparehong dominasyon nang ipinakita niya ang kaniyang pagiging agresibo sa huling quarter ng laban para pigilan ang Fuelmasters.
Nagtala si Jordan Adams ng 24 puntos, siyam na rebounds, apat na assist, at apat na steals, habang si CJ Perez ay may 21 puntos kasama ang isang four-point shot sa nalalabing 56.6 segundo para itaas ang kalamangan ng SMB sa 110-105.
Ayon kay Fajardo na kailangan nila umanong manalo sa season na ito dahil hindi sila ang nag-champion last season.
Sinabi pa ni Fajardo na natalo sila ng Meralco Bolts last season kaya nananatiling gutom ang Beermen sa kampeonato at babawi sila sa pagkakataong ito.
“Kailangan namin mag bounce back this conference kasi last conference natalo kami. Dinidibdib namin ‘yon, nandun na kami muntik na kami manalo, natalo kami. Bagong conference, bagong season, same goal pa rin. Makaabot sa finals at makuha ang championship sabi nga ni coach one game at a time muna, ladder by ladder gagawin namin yon,” ani Fajardo
Samantala, susunod na makakalaban ng San Miguel Beermen ang Black water Bossing habang ang Phoenix Fuelmasters naman ay ang NLEX Road Warriors sa Linggo, August 25.