Palarong Pambansa: Unang ginto kinuha ni Chrishia Mae Tajarros

Luha ng kagalakan. Ito ang naging damdamin ni Chrishia Mae Tajarros ng Eastern Visayas matapos manalo ng unang ginto ng 2025 Palarong Pambansa sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium (FEMMS) nitong Lunes, Mayo 26.
Nanguna ang 13-anyos na si Tajarros sa girls' secondary 3000m event na nilahukan ng 28 runners kung saan natapos nito ang karera sa loob ng 10 minuto at 18.6 segundo, na may breakaway sa unang 400 metro.
“Naiyak po ako kasi hindi ko po na-break iyong record,” ani Tajarros.
Tinalo ng Grade 9 student ng Tanauan National High School at miyembro ng Leyte Sports Academy (LSA) sina May Mae Magbanua (10:48.4) ng Region XIII (Caraga) at Nathalie Faye Miguel (10:50.4) ng Region I (Ilocos).
Pagtitiwala sa Diyos. Ito ang naging saligan ni Tajarros at ginawang inspirasyon ang kanyang mga magulang kaya sinikap na makuha ang panalo at karangalan para sa kanyang mga mahal sa buhay.
“Trust in God lang po at focus sa goal. Inspirasyon ko pong matulungan ang parents ko,” sabi ni Tajarros.
Noong nakaraang taon, napabalita na rin si Tajarros sa edisyon ng Cebu nang makuha nito ang Silver medal sa parehong event sa kabila ng pagiging nakayapak nng lumaban ito sa takbuhan.
Si Tajarros ay sang anak ng fish vendor sa Leyte at nagnanais matulungan ang kanyang mga magulang pagdating ng tamang panahon.
Ang susunod na laban para sa aspiring astronaut ay 1,500m sa Huwebes, Mayo 29.
