Olympian Rogen Ladon, nagretiro na; magiging boxing coach na sa ABAP
Magreretiro na ang dating boxing Olympian na si Rogen Ladon matapos itong makapagbigay ng karangalan sa bansa sa pamamagitan ng pagsali sa world at Asian boxing competitions.
Ani Ladon, ito ay dahil magiging boxing coach na siya ng Association of Boxing Alliance in the Philippines (ABAP), ang sporting association para sa mga boxers sa Pilipinas.
Ginawa ni Ladon ang desisyon matapos na mabigo itong mapasama sa qualifying bid para sa nagdaang Paris Olympics.
Sinubukan ni Ladon na lumaban para mag-qualify sa Paris Olympics subalit natalo ito ni Rafael Lozano Serrano, 4-1, in the 2nd World Qualification Tournament held in Bangkok, Thailand.
“We gave him another shot, kumbaga last hurrah niya,” “Ako kasi tingin ko kaya niya pa.” ani Manalo
Sinabi ni Association of Boxing Alliances in the Philippines secretary-general Marcus Jarwin Manalo na nakausap na nito si Ladon at pumayag na ito na maging coach ng asosasyon.
“He will join the (ABAP) coaching staff. Pero mag-apprentice lang muna,” ani Manalo
Matatandaang inirepresenta ni Ladon ang bansa sa nagdaang Rio Olympics noong 2016 subalit natalo ito sa men’s flyweight class,sa round of 16 laban sa silver medalist na si Yuberien Martinez ng Colombia.
Si Ladon ay una nang nakakuha ng dalawang gintong medalya sa kaniyang kampanya sa Southeast Asian Games, at nakasungkit din ng silver medal sa Asian Games at Asian Championships, at bronze medal sa AIBA World Championships.