Nesthy Petecio hindi hihinto hangga’t walang ginto

Jet Hilario
Photo Courtesy: Rappler

“Tuloy ang laban hanggang sa huli.”

Ito ang tiniyak ni Pinay boxer Nesthy Petecio matapos na makapasok sa semi-finals round at  matalo nito si Zichun Xu ng China sa quarterfinals ng women’s 57 kgs boxing event sa Paris Olympics. 

Sa pagsisimula pa lamang ng laban ay nagpakita na si Petecio ng pagiging agresibo at hindi na binigyan ng pagkakataon na maka-iskor ang kalabang chinese, dahilan para makuha na nito ang unanimous decision sa score na 30-27, 30-27, 30-27, 29-28, 29-28. 

Sinubukan pa ng Chinese boxer na humabol sa huling round subalit naging matindi na ang depensa ni Petecio at hindi na kinaya ng Chinese na makipagsabayan sa mga suntok na pinakawalan ni Petecio.

Sinabi ni Petecio sa isang panayam na kahit gustong gusto niya makakuha at manalo ng gintong medalya kung hindi naman ibibigay ng Panginoon ay may mas magandang layunin aniya ito para sa kaniya. 

“Naniniwala kasi ako na 'pag 'yung gustung-gusto mong makuha, hindi binigay ni Lord, may mas magandang purpose po Siya,” ani Petecio

Itutuloy ni Petecio ang laban at hindi aniya siya hihinto hangga’t walang ginto. 

"Ito na 'yun. Ito 'yung pinakamagandang purpose po ni Lord. Walang hinto hangga’t walang ginto. So dalawa na lang. So hopefully makuha na natin this time,” dagdag pa ni Petecio.

Sunod na lalabanan ni Petecio ay si Julia Szeremeta ng Poland sa susunod na Miyerkules, Agosto 7 (Huwebes, Agosto 8,  sa Pilipinas).