NCAA: JM Bravo, nakalabas na ng ospital pero under observation pa sa loob ng 3 araw
Matapos mawalan ng malay ang Lyceum of the Philippines University Pirates player na si JM Bravo sa gitna ng dikit nilang laban sa NCAA Season 100 men's basketball tournament nitong Sabado, Oktubre 19, kontra Arellano Chiefs, nakalabas na ito ng ospital ngunit under observation pa ito sa loob ng tatlong araw.
Magugunitang sa sagupaan ng LPU at Arellano noong Sabado, hinabol ni Bravo ang bola sa sahig, ngunit nagkasalubong sila ni Renzo Abiera ng Arellano sa paghabol nito, hanggang sa nagka-untugan sila, natumba, at nawalan ng malay si Bravo.
Ayon kay Hercules Callanta, chairman ng NCAA Season 100 Management Committee, ang nangyari kay Bravo ay para umano siyang na-knock out sa boxing dahil tinamaan umano ng ulo ng ibang player ang kaniyang temporomandibular joint at bukod pa roon ay bumagsak ang likurang bahagi ng ulo ni Bravo sa sahig.
"Yung nangyari sa kaniya para siyang na-knockout sa boxing. Kasi tinamaan siya ng ulo ng ibang player sa panga. Kaya sumasakit din 'yung kaniyang temporal mandibular joint. So pagkatapos na tinamaan siya rito, knocked out na siya, bumagsak siya sa floor. Tumama 'yung likod ng kaniyang ulo sa floor," ani ni Callanta,
Matatandaang noong kasagsagan ng first round ng eliminations noong Setyembre nang unang ma-injury si Bravo. Bagaman hindi na siya dapat makakapaglaro sa buong Season 100 ng madiskubreng meron siyang spine injury. Ngunit pagpasok ng second round, bumalik siya matapos makakuha ng clearance na maaari na siyang makapaglarong muli.
Ayon naman sa NCAA Management Committee, walang kaugnayan sa spine injury ni Bravo ang insidente nitong Sabado.
Samantala, makapaglalaro lamang si Bravo kung ma-clear na ito sa concussion protocol.
Sa kabila ng aksidenteng nangyari kay Bravo, nanalo pa rin ang Arellano University kontra LPU, 91-86.