MMA: Zamboanga vs. Fairtex fight sa Agosto hindi na matutuloy

Malabo nang matuloy ang inaabangang laban ni Pinay Mixed Martial Artist Denice Zamboanga at ni Stamp Fairtex sa Agosto.
Ito ang inanunsyo ng ONE Championship matapos na makumpirma na nagkaroon ng injury setback si Fairtex habang nagpapagaling sa inoperahang tuhod kaya napuwersang umatras saONE Women’s Atomweight MMA World Championship unification bout.
Ayon pa sa One Championship, plano na nila itong isagawa sa Hunyo ng susunod na taon para bigyang daan muna ang pagpapagaling ni Fairtex mula sa tinamo nitong injury.
“We are saddened to hear of the injury setback to Stamp and wish her nothing but the best in her road to recovery. After looking at multiple alternate headlining options that unfortunately did not come together, we have made the difficult decision to move our Denver event to June 26 (2026),” pahayag ng One Championship.
Matatandang gumawa ng kasaysayan si Denice “The Menace” Zamboanga matapos nitong talunin ang Ukrainian grappler na si Alyona Rassohyna sa pamamagitan ng second round technical knockout, nitong Sabado, January 11, sa co-main event ng ONE Fight Night 27 sa Lumpinee Stadium sa Bangkok, Thailand.
Si Zamboanga na ngayon ang kauna-unahang Pinay mixed martial arts (MMA) fighter na nagwagi ng korona sa ONE Championship at nakakuha ng impresibong panalo sa women’s MMA atomweight title.
Dahil dito, malaki pa ang panahong gugulin ni Zamboanga para paghandaan ang kanyang laban kay Stamp Fairtex sa susunod na taon.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na naantala ang laban ng dalawa kung saan ang unang pagkakataon nito ay noong si Zamboanga naman ang nagkaroon ng injury may dalawang taon na ang nakakalipas.
