Marcial hinihintay na ang rekomendasyon ng Technical Committee sa nangyaring insidente sa pagitan nina Sanggalang at Fuller

Rico Lucero
photo courtesy: PBA

Hinihintay na lang ni PBA Commissioner Willie Marcial ang ilalabas na rekomendasyon na ibibigay sa kanila ng Technical Committee matapos ang insidenteng nangyari sa Game 2 sa pagitan ng Rain or Shine at ng Magnolia noong Biyernes sa Sta. Rosa Laguna. 

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, sa rekomendasyong ilalabas ng Technical Committee sila magbabase ng sanction na ipapataw kay Magnolia forward/center Ian Sanggalang. 

Matatandaang sa huling 30 segundo ng first quarter ng kanilang laban ay makikita sa video na natusok ni Ian Sanggalang ang kaliwang mata ni Aaron Fuller dahilan ng maagang pagkawala nito sa court hanggang matapos ang laban na nagresulta naman sa pagkatalo ng Elasto Painters, 121-62. 

Si Fuller ay agad na isinugod sa ospital para masuri at hindi na rin ito nakapag practice nang sumunod na araw para sa paghahanda nila sa Game 3. 

Una nang hinikayat ni Rain or Shine coach Yeng Guiao na i-review ang game tape para makita nila na ang ginawang pagtusok sa mata ni Fuller na sa tingin ng champion mentor ay sinadya ni Sanggalang.

“We watched the video and I think it was intentional. Let us see what the PBA is going to do about it,” sabi ni Guiao.