Maling sistema ng ‘pairing’ sa semis, dapat tugunan sa susunod ng PBA officials

Rico Lucero
photo courtesy: PBA

Napuna ni Rain or Shine coach Yeng Guiao ang maling sistemang ipinatupad ng PBA sa Governors’ Cup patungkol sa pairings ng mga koponan patungo sa semi final round. Ayon kay coach Guiao, maaring nalampasan umano ng PBA ang semi final pairing sa nalalapit na Season 49 Governors’ Cup playoffs. 

“I think it was overlooked. So, it's a lesson na dapat siguro, they should put more thought into the format. Alam namin bago ito, pero… Ang tingin ko, it's something that's basic eh. Madali mong makita 'yung problema kung binigyan mo lang siya ng extra thought.” sabi ni Guiao.

Batay kasi sa sistema ngayon ng PBA na inilabas ng liga, ang mga nangungunang koponan sa Group A at B sa pagtatapos ng pool stage ay maghaharap-harap sa semis sakaling maipanalo nila ang kanilang laban sa quarterfinals. 

“Sa akin naman, it could've been any team na ano eh, 'no. Although, parang na-disincentivize mo yung no. 1. Dapat 'pag no. 1 ka, medyo 'yung path mo to the Finals is a little easier because you earned it – hindi na nangyari ngayon,” ani Guiao.

Bagaman huli na at wala nang magagawa, umaasa naman si coach Guiao na mapag-aaralan ng Commissioner ang kanilang pagkakamali at mai-tama na nila ito sa susunod. 

“Dapat pag-aralan nina Commissioner saan sila nagkamali at i-correct nila ito. Ngayon, wala na tayong magagawa. Mali na eh, ” sambit pa ni Guiao.