John Ceniza, bigong makapag uwi ng medalya
Natapos sa isang iglap ang Olympic debut ni Pinoy weightlifter John Ceniza matapos na mabigo itong mabuhat sa tatlong attempt ang 125 kgs. Snatch sa men's 61 kg division sa Paris Olympics.
Ito ay dahil sa injury na ininda nito bago ang kanyang laban kagabi sa South Paris Arena.
Sa unang attempt ni Ceniza ay pinilit niyang buhatin ang 125kgs weights subalit nabigo siya.
Gayundin sa ikalawa at pangatlong attempt ay sinubukan pa rin niyang buhatin ang mga weights pero hindi na niya nagawang mabuhat pa ito.
Ayon kay Ceniza, nahirapan siya sa kumpetisyon dahil sa injury niya dahil hindi pa umano siya lubos na nakakarekober.
“Mahirap. Sa injury ko eh. Tatak kasi sa utak na may injury ka. Mahirap i-compete na 'di ka pa nakarecover,” ani Ceniza
Bagaman may iniindang sakit ay pinilit pa rin umano niyang lumaban alang-alang sa bansa.
“Pero nag-compete ako dahil sa Pilipinas. Lumalaban pa rin ako kahit may injury ako. Lumalaban pa rin ako para sa Pilipinas, dagdag ni Ceniza.
Nangako naman si Ceniza na muli siyang lalaban sa L.A Olympics sa 2028.
Hindi naman nakalimutan ni Ceniza na magpasalamat sa lahat ng mga sumusuporta sa kaniya at kasabay nito ang paghingi niya ng tawad dahil sa pagkabigo nito na makapag-uwi ng medalya para sa bansa.
“Thank you po sa lahat ng nagsu-suporta sa’kin sa laro na to. Pasensya po sa lahat ng Pilipino na nabigo ko ngayong Olympics. Pag sikapan ko po pa ra mag-qualify sa next Olympics,” dagdag pa ni Ceniza.