Guiao at ROS handa na sa kanilang Season 49 bid
Handa na si Coach Yeng Guiao at ang Rain or Shine Elasto Painters sa pagsisimula ng 49th season ng PBA na gaganapin sa ika-18 ng Agosto.
Naniniwala ang dating PBA champion coach na ang kanilang matagumpay na paglahok sa Kadayawan Festival sa Davao kung saan sila ang nanalo sa torneo at ang muling pagpasok ng ROS sa semi-finals noong nakaraang season makalipas ang limang taong paghihintay ay magsisilbing malaking pundasyon para sa kanilang karera sa parating na PBA Governor’s Cup.
Sa Davao, winalis ng Rain or Shine ang kanilang mga katunggali sa four-day tournament kasama ang pag-tambak sa reigning UAAP men’s basketball champion De La Salle sa score na 138-116 ng sila ay magtagpo sa finals.
"Maraming nangyari dun sa Davao. Of course, it was capped by a championship, pero sa tingin ko ang importante doon is the time we spent together. The time that we're able to know each other better especially for the three rookies," ayon kay Guiao.
"Nag team building na rin kami doon sa Davao. At the same time, we're also able to gel our rookies, bond with our rookies and introduce to them our culture, our philosophies. Maganda naman," dagdag pa niya.
Nakakuha din ng tatlong quality rookies sa nakaraang draft ang Elasto Painters kung saan nakuha nila sa first round sina Felix Lemetti and Caelan Tiongson at sa second round naman si Francis Escandor.
Nakikinita ni Guiao na fit sa kanilang sistema ang tatlong rookies at may kakayahan silang makatulong para sa kampanya ng ROS ngayong season.
Sa pagtatapos sinabi ng 65-year-old mentor na, “Alam namin kung ano pa yung kulang namin. Alam din namin kung saan yung strengths namin. Kaya in the off season, we tried to improve on those aspects as we aim to build a contender team.”