Game 3 win nasungkit ng Tropang Giga laban sa Barangay Ginebra

Matapos bigong makuha ang panalo noong Game 2, bumawi kahapon, Miyerkules, March 19, 2025 ang TNT Tropang Giga nang talunin nito ang Gin King, 87-85, sa pagpapatuloy ng PBA Season 49 Commissioner's Cup Finals.
Kumayod nang husto si Rey Nambatac at gumawa ng magagandang desisyon upang madala ang koponan sa tagumpay. Pinangunahan niya ang laro at nagtala ng 24 points, seven assists, at five rebounds.
"Wala si Kuya Jayson [Castro], so I have to make good decisions, especially during end-game moments,” ani Nambatac.
"At least, nag-pay off naman. I just went with the flow, and isa pang factor is yung tiwala ng teammates ko sa akin," dagdag pa ng dating Letran Knights star.
Bagaman naging tablado ang iskor sa nalalabing minuto sa huling quarter, naipasok ni Nambatac ang isang crucial 3-point shot na nagbigay sa kanila ng 85-82 lead sa nalalabing 30 segundo ng 4th quarter.
Matapos ang injury na natamo ni Justin Brownlee sa kalagitnaan ng third quarter, nabuhayan pa ng loob ang Gin Kings nang maipasok ni Scottie Thompson ang isang three-point shot sa ,ga huling segundo ng laro. Gayunpaman, hindi na nagpatinag ang TNT at tinapos ang laro.
Ayon kay TNT head coach, Chot Reyes sinabihan umano nito ang kanyang mga manlalaro na higpitan ang kanilang pag gu-guwardiya sa kalaban.
"Sabi ko sa players, be hard to guard. Hindi ka man maka take ng shots, but be available for offensive rebounds. The most important offensive rebounds were the last [four], and everybody went to their right spots," ani Reyes.
"I told the players we're going to see the best of Ginebra even without Justin. We have to be at our best. I reminded them how strong and deep that team is. And when they went up by three, we didn't panic and that's the turning point," dagdag pa ni Reyes.
Dahil sa panalo ng Tropang Giga, hawak na nito ngayon ang 2-1 series lead.
Samantala, umaasa ang Gin Kings na makakapaglarong muli sa Brownlee sa kabila ng pagkakaroon nito ng suspected dislocated right thumb at maitatabla ang serye laban sa Tropang Giga sa Biyernes, March 21, sa Ynares Center Antipolo City.
The scores:
TNT 87 - Nambatac 24, Hollis-Jefferson 20, Oftana 16, Khobuntin 10, Pogoy 8, Erram 5, Aurin 4, Williams 0, Heruela 0.
GINEBRA 85 - Brownlee 19, Thompson 15, Rosario 13, Abarrientos 13, Malonzo 11, J.Aguilar 6, Holt 5, Ahanmisi 3.
Quarter scores: 17-17, 42-48, 72-66, 87-85.
