Fajardo sinungkit ang ika-8 season MVP title

Libert Ong (@braveheartkid)
Photo Courtesy: Rio Deluvio

Muling nagdadag ng tropeo sa kanyang koleksyon si June Mar Fajardo nang tanghalin siyang Philippine Basketball Association (PBA) Most Valuable player sa ikawalong pagkakataon.

Ang MVP award ay ini-award noong Linggo, Agosto 18 sa Smart Araneta Coliseum sa ginanap na Leo Awards bago magsimula ang opening ceremony ng ika-49 season ng PBA.

Si Fajardo ang kauna-unahang 8-time MVP sa kasaysayan ng liga, at tinalo nya ang kanyang teammate na si CJ Perez at ngayon ay player na ng Terrafirma na si Christian Standhardinger upang makuha ang nasabing titulo.

Ang dating record na hawak nila Ramon Fernandez at Alvin Patrimonio ay apat at matagal nila itong pinanghawakan hanggang sa dumating si Fajardo na nag-break ng kanilang record at ginawa itong lima, anim, pito at ngayon nga ay walo.

Sa kanyang speech, pabirong sinabi ni Fajardo na “Sana next year uli” na siya namang ikinasiya ng mga nanood sa venue.

Naging mataas ang lamang ni Fajardo sa statistics, media votes at player votes upang maging overwhelming na MVP awardee.

Si JMF din ang nanguna sa PBA 49th Season Mythical First Team, kasama ang dalawa pang MVP candidates na sina CJ Perez Perez at Christian Standhardinger pati na sina Arvin Tolentino ng NorthPort at Chris Newsome ng Meralco para makumpleto ang grupo.

Ang Second Mythical Team naman ay kinabibilangan nila Cliff Hodge ng Meralco, Calvin Oftana ng TNT, Jason Perkins ng Phoenix, Juami Tiongson ng Terrafirma at Stephon Holt na ngayon ay sa Ginebra na maglalaro.

Si Holt na top overall pick ng Terrafirma noong nakaraang season ang tinanghal na Rookie of the Year.

Nanguna rin si “The Kraken” sa pagbuo ng All Defensive Team kasama sina Newsome Hodge, Kenmark Carino ng Terrafirma at Joshua Munzon ng NorthPort.

Para kumpletuhin ang Leo Awardees, nakuha ni Jhonard Clarito ng Rain or Shine ang Most Improved trophy at si Paul Zamar naman ang tumanggap ng Sportsmanship award.