Exclusive: Sino si Jhonard Clarito ng Rain or Shine?
Nagsimula ang karera ni Jhonard Clarito sa basketball sa De Ocampo Memorial College, hanggang sa mapabilang siya at mabigyan ng pagkakataong makapaglaro sa koponan ng San Juan Knights noong 2018-2019 MPBL season.
Naging mahalaga ang papel na kanyang ginampanan noong Game 5 ng 2019 MPBL finals, kung saan sa huling minuto ng fourth quarter, ay gumawa si Clarito ng dalawang crucial shots na nagbigay ng kalamangan sa San Juan at kalaunan ay nasungkit ng Knights ang kanilang unang MPBL championship.
Noon namang PBA Season 47 draft, si Clarito ay isa sa mga napili ng Rain or Shine Elasto Painters bilang 17th overall pick.
Sa kanyang unang season sa PBA ay mayroon lamang itong averaged na 1.3 points per game on 23.1% shooting. Noong 2023–24 PBA season tumaas na ang ang average points ni Jhonard sa 10.8 points per game on 46.6% shooting with 4.3 rebounds, kung saan itinanghal siya bilang PBA's Most Improved Player.
Sa eksklusibong panayam ng Laro Pilipinas kay Jhonard, ibinahagi nito sa amin na pagkatapos ng isang taong paglalaro sa koponan ng San Juan Knights ay nabigyan na siya ng pagkakataon ni Coach Yeng Guiao na makapaglaro at iyong mga ginagawa aniya niyang paglalaro noon ay mas lalong nag-improve sa panahon ng pangangalaga nito.
“Nung naglaro ako sa San Juan Knights, yung playing style ganun din, after one year, dumating si coach Yeng at nabigyan ako ang playing time. Iyong ginagawa ko dati mas nai-improve ko pa ngayon sa panahon ni coach Yeng,” sabi ni Jhonard.
Sipag ang susi
Nabanggit pa ni Jhonard na para lalo pa siyang makatulong sa ikasususulong ng kanilang koponan, dobleng effort pa ang kaniyang kailangang gawin lalo na pagdating sa defense at offense. Magpapakita din umano ito ng kasipagan lalo na sa loob ng court para tularan din siya ng iba pa niyang teammates.
“Sa tingin ko mas dobleng effort pa ang gagawin ko sa defense at sa offense, and for my teammates kailangan kong magsipag sa loob para magaya nila (teammates) ang sipag ko sa loob. Ang importante kailangang go hard ka sa loob at kailangan alam mo ang dapat gawin sa loob,” banggit ni Jhonard.
Magandang pakikisama sa kapwa manlalaro
Malaking factor sa katatagan ng Rain or Shine ay ang normal na pakikisama sa kapwa manlalaro. Ayon kay Jhonard, sa madalas na pagkakataon ay lagi silang nagbibiruan at masaya sila sa kanilang team at hindi nagkakapikunan. Isa sa mga ka-team mate na hinangaan ni Clarito ay si Aaron Fuller na inilarawan niya na: “sobrang bait”. Mahusay din makisama si Fuller habang may laban sila sa ibang koponan at tinutulungan ang kanyang ka-teammate na maka-score kung kinakailangan. Si Fuller din umano ang madalas na kanilang tinutulungan para mapanatili ang momentum ng kanilang laro.
“Iyong normal lang na pakikisama, kumbaga, okay lang na magbiruan kayo diyan, bibiruin mo sila, bibiruin ka nila, ‘yun ang masaya dito sa team, hindi ka mapipikon. Iyong import namin, sobrang bait, si Aaron, ang galing niya makisama. Hindi siya naghahanap ng score, kung kailangan niyang umiskor, iiskor siya, kung kailangan rumebound re-rebound siya, ‘yon ang pinaka maganda sa kanya, saka kailangan din namin siyang tulungan para mapanatili namin yung momentum namin,” paglalahad pa ni Clarito.
Anong klaseng coach si coach Yeng Guiao
Inilarawan din ni Jhonard sa Laro Pilipinas kung anong uri at klaseng coach si coach Yeng Guiao sa kanyang mga manlalaro. Para kay Clarito, bukod sa playing style na itinuturo ni CYG, nagbabahagi rin ang kanilang coach ng mga dapat gawin sa uri at pamamaraan ng pamumuhay o sa klase ng lifestyle na dapat i-adapt ng isang manlalarong gaya nila.
Si Guiao ay may pagka-father-like figure sa kanyang mga manlalaro kung saan pinapayuhan nito ang mga manlalaro kung paano ang wastong paggugol ng pera gayundin ang paghahanda sa kinabukasan dahil aniya, ang basketball ay hindi naman umano’y panghabang-buhay.
“For me, he’s a good coach, kasi hindi lang siya sa coach nagtuturo kundi pati sa lifestyle mo. Kung paano ka mag-save ng pera at kung ano pa ang dapat mong gawin, dahil hindi ka naman panghabang-buhay sa basketball. Iyong laging sinasabi ni coach Yeng sa amin, kailangan mong mag-ipon para sa pamilya mo, para sa kinabukasan mo.” sabi pa ni Jhonard.
Sa panahon naman ng kanilang laban at laro, istrikto masyado si coach Yeng sa mga players niya. Binanggit pa ni Jhonard na mabait umano si coach Yeng sa panahon ng kanilang practice, subalit nagagalit lang siya kapag nagkamali ka sa paglalaro. Sinabi pa niya na ang mahalaga lang aniya kay coach Yeng ay maglaro sila ng maayos at ayusin ang pagdepensa sa kalaban hanggang makabawi ng panalo.
“Sa game naman ano siya eh sobrang bait niya, sa loob naman ng court doon lang siya magagalit kapag nagkamali ka, pero ang importante sa kanya maglaro ka ng maayos dumefense ka ng maayos, gagamitin mo yun kapag turnover na hanggang sa makabawi na. Iyon ang pinakamaganda sa kanya,” pagtatapos ni Clarito.