Eumir Marcial, bukas pa rin sa pagsabak sa Olympics

Jet Hilario
Photo courtesy: PNA

Hindi isinasara ni Pinoy boxer Eumir Marcial ang anumang oportunidad na iaalok sa kanya lalo na ang muling pasabak sa Olympics Games. 

Sa kaniyang social media post, ‘ultimate dream’ pa rin ni Marcial ang magkamit ng Olympic gold medal. 

“I am not closing my doors in wanting to achieve my ultimate dream, which is to win an Olympic gold medal,” ani Marcial.

Bagaman, sa ngayon, tutukan muna Marcial ang kaniyang Professional career matapos na mabigo siyang makasungkit ng medalya sa katatapos na Paris Olympics. 

Susubukan ngayon ni Marcial na makakuha ng puwang sa world middleweight title.

May mga nakalinya din aniyang laban ito sa Disyembre kung saan inaasahan niyang darating ang panahong maipagmamalaki siya ng bansa.

“But I think I’m making the right decision to pour my focus into my professional career, and in continuing to bring honor to our country. I guess I will see you guys back in the ring on December,” dagdag ni Marcial 

Si Marcial ay natalo kamakailan sa kalabang Uzbekistan na si Turabek Khalibullaev sa kanilang round of 16 match sa Paris Olympics. May hawak ngayong boxing record si Marcial na limang panalo kung saan tatlo rito ay winner by knockout at walang talo.

Nagsimula si Marcial na sumabak sa mundo ng boxing noong 2020 kung saan tumanggap na ito ng mga alok sa professional boxing at lumagda sa kasunduan sa MP Promotions at nagbigay ng katiyakan si Marcial na patuloy itong kakatawan sa Pilipinas sa mga susunod na Olympic Games. 

Noong Marso 2024 ay pinatumba ni Marcial si Thoedak Sinam ng Thailand na naging daan kaya naging kuwalipikado ito para sumabak sa Paris Olympics.