EJ Obiena, balik training na
Pagkatapos mabigong makasungkit ng medalya sa Paris Olympics, pagtutuunan naman ng pansin ngayon ni two-time Olympian pole vaulter na si EJ Obiena ang pagsasanay para sa susunod na 2028 LA Olympics.
Matatandaang nakuha lamang ni Obiena ang ika-apat na pwesto para sa men’s pole vault event, at kasabay nito ay paghingi ng paumanhin sa sambayanang Pilipino matapos ang pagkatalo sa Paris Olympics kasabay ng pangangako na babalik agad ito sa pagsasanay at pagbubutihin pa ang kaniyang kasanayan sa pole vault event.
Si Obiena ay isa sa mga nakatanggap din ng Presidential citation at cash incentive na 1 milyon mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes bilang pagkilala sa naging ambag nito at pakikipaglaban sa Paris Olympics.
Bukod sa pagkilala at cash incentives na natanggap niya mula kay Pangulong Marcos, tumanggap din si Obiena ng cash incentive na 500,000 mula sa Manila City LGU.
Samantala, nagpasalamat muli si Obiena lahat ng Pilipinong nagmahal at sumuporta sa kaniya sa buong panahon na siya ay nasa Paris Olympics.