Efren ‘Bata’ Reyes umaasang mapapabilang ang Billiards sa Olympic sports

Rico Lucero
Photo courtesy: Rappler

Umaasa si Filipino sports legend Efren ‘Bata’ Reyes na mapapabilang din sa Olympic sports ang larong billiards.

Ayon sa tinaguriang ‘The Magician, matagal na aniya niyang pangarap na mapabilang ang Billiards sa pinakamalaking sports competition sa buong mundo. 

"Inaasahan ko talagang magkaroon ng [billiards] sa Olympics. Dito nga sa SEA Games eh, nagkaka-gold tayo. Kaya lang sa Olympics dati, lahat ng athletes natin nahihirapan makakuha ng gold. Nag-demonstrate na ‘yan kung saan ilalagay--kung individual o sa team, eh inuna ‘yung team. Eh kaso kahit sa individual, ayaw na rin maglagay kasi ako rin daw ang nananalo," ani Reyes.

Dati na rin aniyang nag-demonstrate ang mga billiards player noong dekada 90 upang maipasok sana ang naturang sports sa Olympics ngunit hindi aniya ito napagbigyan.

Ayon pa kay Reyes, nais din niyang irepresenta ang Pilipinas sa naturang sports kung papayagan itong maging isang Olympic event, subalit nahihiya na rin ito dahil sa kanyang edad. Aniya,tutulungan na lang niya ang mga nagpupursigi sa laraong ito para lalo pa silang maging mahusay at gumaling. 

"Nahihiya na ako sumali. Baka sabihin ng mga kapwa kong mga player na gumagaling, nagpursigi pa naman sila tapos ako pa rin maglalaro? Tulungan ko na lang sila," sabi pa ni Reyes. 

Ayon kay Reyes, malaki ang potential ng mga Pinoy Billiards player kung sakaling pagbibigyan ang kanilang kahilingan na gawin itong Olympic sports. 

"Kailangan n’yan mabatak ka sa paglalaro nang ikaw lang mag-isa. Hindi naman gumagaling dahil magaling 'yung kalaban eh. Maglaro mula umaga hanggang gabi. Kapag gano’n, pwede ma-improve ‘yon. Kung gusto nila mag-training, punta lang sila d’yan kay Boss Puyat, tapos tuturuan ko sila do’n." dagdag pa ni  Reyes.

Sa kasalukuyan, maraming mga bagitong manlalarong Pinoy aniya na nagpapakita ng kagalingan sa paglalaro ng Billiard hindi lamang sa mga lokal na torneyo kundi maging sa iba pang mga international competition.

Sa kasalukuyan, pinaghahandaan ni ‘The Magician’ ang Reyes Cup 2024, kung saan pangungunahan nito ang bansa kontra kay 2010 world eight-ball champion Karl Boyes ng Team Europe. Ang torneo ay isasagawa sa bansa mula October 15 hanggang 18 sa Ninoy Aquino Stadium, Manila.