Efren “Bata” Reyes ipinagdiwang ang ika-70 kaarawan
Ipinagdiwang ni billiards legend at The “Magician” Efren “Bata” Reyes ang kanyang ika-70 taong kaarawan nitong Lunes.
Nagbigay-pugay kay Reyes ang mga atletang Pilipino na dumalo sa kaarawan nito at nagbigay ng mga mensahe ng pagbati.
Kabilang sa mga nagbigay ng mensahe at pagbati ay si two-time WPA Women’s World 10-Ball Championship queen (2009 & 2013) Rubilen Amit.
Si Amit ay isa sa mga malapit na atleta kay Reyes at naging inspirasyon nito si Reyes sa larong billiards.
Magugunitang nasa mahigit 100 international titles ang napanalunan ni Reyes at siya ang kauna-unahang billiards player sa buong mundo na nakasungkit ng dalawang WPA World Championships sa magkaibang pool discipline.
Naging Champion din si Reyes sa WPA World 9-Ball Championship noong 1999 sa Cardiff, Wales at naging kampeon ulit sa buong mundo nang mapanalunan ang WPA World 8-Ball Championship noong 2004 sa United Arab Emirates (UAE).
Naging kampeon din si Reyes sa U.S Open 9-Ball Championship, four-time All Japan Championship winner, seven-time WPA Asian 9-Ball Tour champion at umukit ng record bilang 14-time Derby City Classic ruler.
Nakasungkit din si Reyes ng anim na gintong medalya sa Southeast Asian Games (SEAG) noong mga taong 1987, 1991, 1999.