Delgaco, umaasang mas marami pang Filipino rowers ang sasabak sa Olympics
Umaasa ang Filipina Olympian rower Joanie Delgaco na mas marami pang gaya niyang rowers sa bansa ang sasali at magiging kwalipikado sa mga darating pang Olympics.
Sinabi ni Delgaco na sa lahat ng mga gustong maging atleta na katulad niya ay hindi aniya sila dapat huminto sa paghabol ng kanilang mga pangarap. Hindi rin aniya dapat tumigil.
Mahalaga din aniya ang pagkakaroon ng disiplina sa sarili at pagmamahal sa ginagawa at higit sa lahat aniya ay huwag makakalimot sa Panginoon.
“Sa mga aspiring athletes na gustong maging katulad namin, huwag kayong tumigil sa paghabol sa inyong mga pangarap. Mapapagod ka, pero huwag kang titigil, “Dapat magkaroon ka ng disiplina sa sarili at mahalin ang iyong ginagawa at huwag kalimutan ang Panginoon,” ani Delgaco.
Matatandaang nakuha ni Delgaco ang ika-20 pwesto sa women’s single sculls kung saan ika-apat na pwesto sa classification heat sa oras na 7:56:26 kung kaya hindi na ito nakapasok sa quarterfinals.
Isa rin si Delgaco sa mga ginawaran ng Presidential citation at nabigyan ng cash incentive na 1 milyon ni Pangulong Marcos bilang pagkilala sa kanya na naging bahagi ng Paris Olympics.
Bago pa ang heroes welcome ay binigyan na si Delgaco ng pagkilala bilang huwarang atleta sa larangan ng rowing at pinagkalooban ng Olympic Solidarity scholarship ng Federation Internationale des Societies d’ Aviron (FISA) kung saan malaki ang maitutulong nito para sa ginagawa niyang paghahanda sa mga darating pang Olympic Games na kaniyang sasalihan.