Dalawang gintong medalya iuuwi ni Yulo sa bansa

Jet Hilario
Photo Courtesy: Rappler

Maitatala ngayon sa kasaysayan ng sports ng Pilipinas ang nangyaring pagkakapanalo ng dalawang medalyang ginto ni Pinoy gymnast athlete Carlos Yulo. 

Si Yulo lang ang kauna-unahang double Olympic gold medalist ng Pilipinas.

Dito, ipinakitang muli ni Yulo ang kaniyang husay galing at determinasyon sa larangan ng gymnastics, lalo na sa vault jump. 

Unang nasungkit ni Yulo ang gintong medalya para sa Men's Floor Exercise finals nitong nakaraang Sabado, Agosto 3 kung saan nakuha nito ang overall score na 15.000, dahilan kung kaya nakuha din niya ang unang puwesto. 

Sa ikalawang pagkakataon, muling nasungkit ng gintong medalya si Pinoy gymnast Carlos Yulo para naman sa vault finals. 

Nanguna muli ito kung saan nakakuha siya ng  15.433 points mula sa unang vault jump niya at 14,800 naman mula sa pangalawang vault jump. 

Dahil sa mga nakamit niyang panalo ay hindi naiwasang mabanggit nito ang katagang 
“Masarap maging Pilipino!”

Dahil naman sa pagkakapanalo ni Yulo ng dalawang gintong medalya umangat na ang Pilipinas sa ika 19 na puwesto sa medal tally ng Paris Olympics. 

Una nang nagpaabot ng pagbati sina 2020 Tokyo Olympics Gold Medalist Hidilyn Diaz, at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagkakapanalo ni Yulo at sa karangalang ibinigay nito para sa bansa. 

“Congratulations, Caloy! The entire country stands proud with you!,” pahayag ng Pangulo.

“We’ve witnessed history as Carlos Yulo clinched the Philippines’ first gold medal in artistic gymnastics at the Paris 2024 Olympics,” anang Pangulo. “I am confident that this will not be the last.”

Matatandaang sa edad na pitong taong gulang nang magsimula si Yulo ng pagsasanay para sa gymnastics at kalauna’y napasama sa delegasyon ng NCR para sumabak sa Palarong Pambansa at pagsapit naman niya ng edad 12 ay itininanghal siyang all around defending champion sa palarong pambansa noong 2012.