Creamline, paghahandaan ang AVC Womens Champions League sa Linggo

Pagkatapos ang kanilang kampanya sa Premier Volleyball League, nakatuon naman ngayon ang pansin at paghahanda ng Creamline Cool Smashers sa 2025 AVC Women’s Champions League na isasagawa sa bansa sa susunod na Linggo, Abril 20-27.
Tiniyak ni Creamline Coach Sherwin Meneses na kahit nabigo sila sa PVL All-Filipino Conference Finals ay nakarekober na ang kanilang mga players at handa na para sa panibagong aksiyon.
Isa ang Creamline Cool Smashers sa koponang lalaban sa AVC Women’s Champions League, kung saan kabilang pa dito ang dalawa pang koponan, ang PLDT High Speed Hitters at ang 2024-25 PVL All-Filipino Conference Champions na Petro Gazz Angels.
Ang iba pang mga koponang kabilang sa AVC Women's Champions League ay ang Australia, China, Chinese Taipei, Hong Kong, Iran, Jordan, Kazakhstan, Thailand Vietnam, at Pilipinas.
Sa rebranded tournament na ito, ang bawat koponan ay maaari nang magkaroon tatlong dayuhang manlalaro sa roster nito at maaaring maglaro anumang oras, hindi katulad ng dati na ang mga koponan ay maari lamang magkaroon ng dalawang dayuhang manlalaro at isang beses lang maaring makapaglaro sa isang pagkakataon.
Sa pagbubukas ng AVC Women's Champions League sa Abril 20, unang sasagupain ng Cool Smashers ang Al Naser team ng Jordan.
