Cone, naniniwalang handa ang Gilas Pilipinas para sa FIBA Asia Cup

Tiwala si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na mas magiging solido ang galawan ng kanyang koponan paglapag nila sa Jeddah, Saudi Arabia para sa FIBA Asia Cup na papalo na sa susunod na linggo.
Umalis na patungong Jeddah ang buong delegasyon ng Gilas Pilipinas kahapon kasama ang ilang opisyales ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Magugunitang nanalo ang Gilas Pilipinas laban sa Macau Black Bears noong Lunes sa isang tune-up game sa Smart Araneta Coliseum, 103-98.
Hindi nakapaglaro sa naturang tune-up sina June Mar Fajardo at Calvin Oftana na parehong naglaro sa PBA Philippine Cup finals. Pagdating sa Saudi Arabia, agad na sasalang sa ensayo ang Gilas Pilipinas.
Bagama’t parehong may iniindang injury sina Fajardo at Oftana, subalit umaasa si Cone na makapaglalaro ang mga ito lalo pa’t kailangan sila ng Gilas Pilipinas. Inaasahan ding makakapag-ensayo na si Fajardo sa oras na lumapag ang Gilas sa Jeddah.
“He (Fajardo) will have two or three more days off from physical activities. But we expect him to start practicing when we arrive there in Jeddah,” ani Cone.
Samantala, malaki naman ang magiging papel ni Fajardo sa Gilas dahil ito ang magiging katuwang nina Japeth Aguilar, AJ Edu at Carl Tamayo sa ratsada.
Magiging taktika din ni Fajardo ang malalim nitong karanasan para makasabay sa matitikas na center sa Asya.
“He changes the game for us. We have to play a different way with June Mar on the floor. He has such an impact that you have to play differently when he’s on the floor,” ani Cone.
Kabilang pa sa mga magiging aktibidad ng Pinoy cagers ang isa pang tune-up game laban naman sa Jordan bago magsimula ang FIBA Asia Cup.
Unang haharapin ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup ang Chinese-Taipei sa Agosto 6. Kasunod nito ang New Zealand sa Agosto 7 at ang Iraq sa huling araw ng group stage sa Agosto 9.
Ang mga mangungunang koponan sa bawat grupo ay awtomatikong aabante na sa quarterfinals habang ang No. 2 at No. 3 ay daraan sa playoffs para sa nalalabing tiket sa quarterfinals.
