Catindig ibabandera ang PH team sa Thai Soft Tennis Championships
Ibabandera ng Southeast Asian (SEA) Games champion na si Princess Catindig ang Soft Tennis Pilipinas team kapag lumaban sila sa International Soft Tennis Federation o ISTF World Tour International Soft Tennis Championships na nakatakda sa Setyembre 17 hanggang 23 na gaganapin sa Pathum Thani, Thailand.
Kamakailan lamang ay nakapag-uwi si Catindig ng bronze medal sa Sunchang Open International Soft Tennis Tournament at nakapagtapos bilang isang quarterfinalist sa 17th World Championships na ginanap sa Anseong, Korea.
Kasama ni Catindig sa tour sina Christy Sañosa, Virvienica Bejosano, George Patrick Mendoza, Adjuthor Moralde II, Jason Caminting, at Ryan Carpio.
Makikipagbuno ang national team para sa pitong medal event kabilang ang men’s at women’s singles, doubles, team events, at mixed doubles category.
Nagpahayag ng kumpiyansa ang Soft Tennis Pilipinas head coach na si Michael Enriquez na ang kanilang koponan ay handang-handa at nasa best condition para sa Thailand tournament kasunod ng kanilang stint sa World Championships at ang kanilang South Korea training camp.
“Umaasa akong ang koponan ay makakapagkamit ng panalo o malalagpasan pa nila ang performance nila last year kung saan ay nakapag-uwi sila ng isang gold, dalawang silver at isang bronze medal,” saad ni coach Enriquez.