Carlos Yulo “walang regrets” sa kaniyang naging Olympic performance
"Wala talagang regrets."
Ito ang mga salitang binitiwan ni Filipino gymnast Carlos Yulo matapos siyang mag perform para sa men’s para sa artistic gymnastics individual all-around finals.
Nagtapos si Yulo sa pang 12 pwesto para sa men’s artistic all-around finals ng Paris Olympics.
Si Yulo ay nakapagtala ng kabuuang 83.032 points kung saan nanguna dito si Oka Shinnosuke ng Japan habang pangalawang puwesto naman si Zhang Boheng ng China at pangatlong puwesto si Xiao Ruoteng na mula rin sa China.
Bagaman nakapagtala ng error si Yulo sa parallel bars, agad naman siyang nakabawi.
Hindi man pinalad na makuha ang unang pwesto, hindi niya pinagsisisihan ang mga pangyayari sa kaniya bagkus buong puso pa rin nitong tinanggap ang mga pagkakamali niya habang nagpe-perform.
Aniya, sa mga naging pagkakamali na nakita sa kaniyang performance ay marami siyang natutuhan at babaguhin para lalo pa niyang mapagbuti ang kaniyang performance sa mga susunod pang Olympic Games.
"Nagkamali man po, marami akong natutunan. Sobrang sarap sa feeling na masama sa finals ng all-around. Ang laking talon from Tokyo Olympics," saad ni Yulo.
Mas napaghusay pa ngayon ni Yulo ang naging performance niya kesa noong nakaraang 2020 Tokyo Olympics.
Sinabi ni Yulo na buhos ang kaniyang atensyon at kung ano man aniya ang magiging resulta ay masaya siya at tatanggapin niya.
"Mas buhos po talaga. Wala nang second thoughts na 'gagawin ko ba 'to, 'di ko ba gagawin?' More on bibigay ko lahat, kahit anong mangyari. Kung ano maging resulta, masaya ako dun."
Samantala, lalaban uli si Yulo sa floor exercise finals sa Agosto 3 at vault finals sa Agosto 4.