Carlos Yulo, planong magpatayo ng Gymnast academy

Jet Hilario
Photo courtesy: inquirer

Planong magpatayo ni two-time gold medalist Carlos Yulo ng sarili nitong Gymnast Academy para turuan at mahubog ang mga susunod na gymnast ng bansa. 

Sinusundan din ni Yulo ang yapak ni Hidilyn Diaz, na sa kasagsagan ng Paris Olympics ay pinasinayaan nito ang Hidilyn Diaz Weightlifting Academy sa Jalajala, Rizal. 

Gusto din aniya ni Yulo na pasukin ang pag-co-coach ng gymnast para tulungan ang mga bata. 

“After po ng career ko, gusto ko rin pong pumasok sa coaching and help other kids.“ ani Yulo 

Bukod sa akademya, nanawagan din si Yulo na ikunsidera ng bansa ang pagkakaroon ng ibang sports tulad ng gymnastics sa mga paaralan para mahubog nang maaga ang mga kabataan at nakahanda naman umano ang Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission na alalayan ang mga kabataan na magtutuloy sa sports na nais nilang salihan sa Olympics. 

“Sa Philippines po, sana i-introduce ang more sports sa schools po talaga then later on kung gusto talaga nilang ituloy, nandiyan naman po yung PSC at POC para mag-accommodate ng mga athletes,” dagdag pa ni Yulo 

Matatandaang si Yulo ang kauna-unahang Filipino athlete ng bansa na nakasungkit ng dalawang gintong medalya sa iisang Olympic Game kung saan nanalo siya sa male floor exercise at male vault exercise sa katatapos na Paris Olympics.