Carlo Paalam tinalo ang kalabang Irish boxer

Rico Lucero
PHOTO COURTESY: SPORTS, INQUIRER.NET

Hindi pumayag si Carlo Paalam na mamaalam agad ng maaga sa Paris Olympics.

Ito ang kaniyang pinatunayan nang labanan nito ang Irish boxer na si Jude Gallagher sa kanilang unang paghaharap sa round of 16 sa 57 kg men’s event sa Paris Olympics.

Sa laban nilang ito ay ipinakita ni Paalam ang kaniyang pagiging agresibo at maliksi sa laro.

Sa unang round pa lang ng laban ay hindi na binigyan ng pagkakataon ni Paalam na makaporma ng suntok ang Irish boxer.

Mabilis at puro kombinasyon ng suntok ang pinapakawalan ni Paalam sa kaniyang kalaban hanggang sa huling round.

Dahil dito ay nakuha ni Carlo ang panalo sa score na 5-0 via unanimous decision.

Si Carlo ay pasok na sa quarterfinals at sunod niyang makakalaban sa August 3 ay si Charlie Senior ng Australia.

Matatandaang una nang sinabi ni Paalam na ibubuhos niya ang kaniyang buong makakaya sa Olympic na ito para makapag-uwi ng  medalya.

Si Paalam ay una nang nakakuha ng Silver medal noong nakarang 2020 Tokyo Olympics.