Carlo Paalam, puhunan ang “Talino at Lakas” sa laban
Lakas at Talino.
Ito ang dalawang katangian at mga paraan ng paghahandang ginagawa ngayon ni Carlo Paalam sa muling pagharap niya sa ring para labanan ang fourth-seeded Australian na si Charlie Senior.
Bagaman lamang sa height ang Australyanong makakalaban ni Paalam, ang kanyang pakikipaglaban dito ay gagamitan niya ng talino at lakas para muling maipanalo ang laban hanggang sa finals at makapag uwi ng medalya.
Kailangan din aniyang maging matalino at “wise” sa loob ng ring dahil magiging useless umano ang kaniyang lakas kung hindi niya tatamaan ang kaniyang kalaban.
“Unang-una po, yung talino po… to be wise in the ring talaga [ang importante] kasi useless ang lakas mo pag di tatama ng clear punch,” ani Paalam.
Sinabi niyang muli na lahat ay gagawin niya sa training para mapagbuti pa nito ang kaniyang fighting skills, manalo man o matalo gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya.
“Gawin ko lang yung best araw-araw na training ko po, tapos every fight ko nga sasabihin ko sa sarili ko na manalo, matalo man ako, gawin ko yung best ko, wala akong sisisihin pagbaba ng ring at ipapanalo ko yung kada laban.”
Nakatakdang sagupain ni Carlo Paalam si Charlie Senior ng Australia sa Agosto 3.