Boxing: Olympian Boxer Nesthy Petecio planong magpatayo ng training center
Gusto ni two-time Olympic medalist Nesthy Petecio na magpatayo ng training center kung saan makakahanap ito ng mga Pinay na makapasok sa boxing at iba pang combat sports.
"Yun yung isa sa gusto kong mangyari talaga na mas maengganyo pa lahat ng kababaihan sa larangan ng sports po, most especially sa combat sports. Kasi halos ano takot sila eh. Masakit daw, di ba delikado, di ba nakamamatay? So sana alisin nila yun," ani Petecio.
Naniniwala si Petecio na malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng training center na katulad ng kaniyang pinaplano sa hinaharap para mawala din ang alinlangan ng maraming kababaihan patungkol sa konsepto ng combat sports.
"Natural na reaction lang yun, normal na reaction lang yun. Kasi hindi naman talaga ganun kadali yung sasapakin yun mukha mo. Sana mas maengganyo kayo or subukan niyo muna pasukin yung boxing, yung lahat ng combat sports," dagdag ni Petecio
Bukod sa planong pagtatayo ng training center, determinado din si Petecio na makasungkit pa rin g ng gintong medalya sa mga darating pang Olympic Game.
Natutuwa din si Petecio sapagkat mas nabibigyang pansin na ngayon ang boxing ng mga kababaihan sa bansa pagkatapos ng Paris Olympics.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na si Petecio sa kanilang lokal na pamahalaan sa Sta. Cruz, Davao Del Sur para suportahan ang kanyang adhikain larangan ng boxing sa kanilang lugar.