Boxing: Mexican boxer Luis Castillo nakatikim ng unang talo sa kamay ni Jerusalem
Nakatikim ng unang pagkatalo ang Mexican boxer na si Luis Castillo mula sa mga kamay ni WBC minimumweight champion Melvin Jerusalem kasabay nito ang matagumpay na depensa sa kanyang titulo matapos ang kanilang laban nitong Linggo ng gabi sa Mandaluyong City.
Nakuha ni Jerusalem ang unanimous decision result mula sa tatlong hurado pagkatapos ng 12-round fight kung saan dalawa sa hurado ay may score cards na 120-107 habang ang isa naman ay nagbigay ng 118-109.
Sa unang round pa lang ng kanilang laban, tinatantya na ni Jerusalem ang kalabang si Castillo hanggang sa makatama ito ng suntok sa katawan ng kalaban at nang makakuha ng tiyempo ay inundangan ng kanang kamay ni Jerusalem si Castillo at natumba ito.
“I tried to knock him out but he just wouldn’t quit. He’s a Mexican fighter and there’s a reason why he’s undefeated. He’s tough,” ani Jerusalem.
Dahil sa panalong ito, itinuturing din ni Jerusalem na isang hindi makakalimutang karanasan at laban ang nangyari sa pakakamit niya ng tagumpay dahil na depensahan niya ang kanyang titulo sa sarili niyang bansa.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng 21 panalo, isang talo at isang draw si Castillo habang si Jerusalem naman ay mayroong 23 panalo at tatlong talo na mayroong 12 knockouts.
Matatandaang una nang sinabi ni Jerusalem na bibigyan nito ng magandang laban si Castillo at nais nitong ma knockout si Castillo kapag nagkaroon ng pagkakataon.
“Knockout talaga ang gusto ko kapag nakakita ako ng pagkakataon,” ani Jerusalem.