Boxing: Makakalaban ni Charly Suarez, umatras na sa laban dahil sa pagkaka-ospital

Rico Lucero
photo courtesy: Tapology

Umurong na sa laban ang makakasagupa ni unbeaten Pinoy boxer at 2016 Rio Olympian Charly “The King’s Warrior” Suarez sa darating na bakbakan sana nito sa  Setyembre 20 sa Desert Diamond Arena sa Glendale, Arizona.

Umatras si Andres Cortes, dahil sa kadahilanang naospital umano ito. Hindi naman naiwansang madismaya ng kampo ni Suarez dahil sa pag-atras ni Cortes, sinabi ng trainer ni Suarez na si  Delfin Boholst, dahil sa ginawa ng kampo ni Cortes ay magkakaroon sila ng biglaang adjustments para pag-aralan ang estilo at laro ng bagong makakalaban nito na si American boxer Jorge Castaneda para sa World Boxing Organization (WBO) International super featherweight. 

“Nakakainis ang ginawa nila. Una non-title offer nila tapos ginawang title (fight), [kaya] pumayag na kami. Tapos pinanood ko galaw ng kalaban at pinanood namin ni Charly. Sabi ni Charly na kaya niya kaya kami pumayag..Napanood ko laban na iyun (Castaneda). Magbabago galaw niya kapag nagtapat na sila ni Charly. Maganda talaga ang knockout win nito, malinis na panalo,” ani Boholst

Si Jorge Castaneda, ay katatapos lang lumaban kay kay Angel Hernandez Pillado sa Fight Fest 15th Anniversary sa Sames Auto Arena, sa Laredo, Texas sa Amerika kung saan nanalo si Castañeda sa labang ito via TKO sa 2nd round ng kanilang laban nitong Agosto 31. 

Matatandaang si Suarez ay mayroong hawak ngayong boxing record na 17 wins 0 loss, kung saan ay 9 sa mga ito ay knockouts. Huling nakalaban ni Suarez ang Amerikanong Boksingero na si Luis Corea kung saan nanalo si Suarez via Unanimous Decision noong Abril 13.