Boxing: Kampo ni Jerusalem gusto ng Unification fight sa susunod na taon.
Isang unification championship fight naman ngayon ang pinagpaplanuhan ng kampo ni Filipino world minimumweight champion Melvin Jerusalem, matapos ang matagumpay na pagdepensa sa kanyang WBC minimumweight belt laban sa undefeated Mexican challenger na si Luis Castillo dito sa bansa noong nakaraang Linggo, Setyembre 22, sa Mandaluyong City.
Sinabi ng promoter ni Jerusalem na si JC Manangquil na interesado din umano ang Japanese boxer na si Yudai Shigeoka na makaharap si Jerusalem, subalit mayroon na silang ginagawang pag-uusap ukol sa nasabing laban.
Binanggit din ni Mananquil na mas gusto nilang magkaroon ng unification showdown si Jerusalem kay Thailand boxer na si Thammanoon Niyomtrong na tinaguriang longest-reigning minimumweight champion sa kasaysayan, kung saan hawak niya ang trono ng WBA mula pa noong 2016.
Nasa listahan din ng pwedeng kalabanin ni Jerusalem si Puerto Rican Oscar Collazo para sa isang unification championship fight sa susunod na taon, kung saan hawak ni Collazo ang boxing record na 10-0-0, 7 KOs, win-loss-draw.
Sa naging laban ni Jerusalem kay Castillo ay ipinakita nito ang kanyang punching power nang pabagsakin niya ang Mexican challenger sa unang 25 segundo ng first round.
“Hindi ko minadali ‘yung laban. Matibay eh. Hindi puwedeng makumpiyansa sa taglay na tibay ng panga ni Castillo,” sabi ni Jerusalem.