Boxing: Jayson Vayson, nakamit ang ikatlong regional title sa Asian Boxing Federation

Rico Lucero
photo courtesy: Tapology

Nakamit ni world ranked Filipino boxer Jayson “The Striker” Vayson ang kanyang ikatlong regional title nang sungkitin ang bakanteng Asian Boxing Federation (ABF) light flyweight belt laban kay Indian fighter na si Shanborlang Marbaniang nitong Huwebes ng gabi sa Space Plus Club sa Bangkok, Thailand.

Pinakita ng Pinoy boxer ang kanyang mabibilis na galaw, bangis ng mga suntok at malulupit na kombinasyon nang hindi nya tantanan ang Indian boxer ng kanyang mga solidong patama sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito at ulo upang tapusin sa ika-siyam na round ang kanilang sagupaan sa pamamagitan ng knockout.

Dahil sa panalo ay nasungkit din ng Pinoy boxer ang kanyang ikatlong sunod na tagumpay para sa World Boxing Organization (WBO) Asia Pacific title na kanyang napanalunan laban kay Ryuya Yamanaka noong isang taon sa bisa ng second-round TKO, na nadepensahan naman kay Takeru Inoue sa 10th round unanimous decision nitong Abril 21 sa bansang Japan.

Inaasahang aangat pa ang puwesto ni Vayson na mayroong 13-1-1, win-loss-draw record kung saan 7 sa mga panalo nito ay KOs. Rank No. 8 din si Vayson sa bakanteng World Boxing Association (WBA), No. 13 sa bakanteng World Boxing Council (WBC), No. 5 sa bakanteng WBO at No. 3 sa International Boxing Federation (IBF) title ni Sivenathi Nontshinga ng South Africa.

Ito naman ang  ikalawang sunod na pagkabigo ni Shanborlang Marbaniang na bumagsak sa 5-3-2 rekord kasama ang tatlong panalo mula sa knockouts, na unang beses lumaban sa ibang bansa.