Boxing: IBF minimumweight champion Pedro Taduran dedepensahang muli ang titulo vs. Chinese boxer
Susubukang muli ni IBF minimumweight champion Pedro Taduran na depensahan ang kaniyang titulo kontra kay knockout artist na si Dian Xing Zhu ng China sa Nobyembre 23 sa Jeju Island sa South Korea.
Nabigyan agad ng pangalawang laban si Taduran matapos ang ninth-round technical knockout sa kalaban nitong si GInjiro Shigeoka ng Japan noong July 28, kung saan ito ang unang title defense ni Taduran kontra sa kalaban nitong Chinese.
Hawak ngayon ni Taduran ang 17-4-1 na record kung saan 13 sa mga panalo nito ay knockouts.
Ayon kay Taduran, nagsasanay siya ng anim na beses sa isang linggo at patuloy at puspusan pa siyang magsasanay sa mga susunod pang linggo.
“I train six days a week and in the coming weeks, we are going to intensify our workouts,” ani Taduran.
Magugunitang nakuha ni Taduran ang pagiging No. 1 contender sa IBF strawweight belt matapos talunin ang kababayang si Jake “El Bambino” Amparo sa dominanteng unanimous decision sa main event ng “Kumong Bol-Anon 13” sa Bohol Wisdom School Gymnasium noong Disyembre 28, 2023 sa Tagbilaran City, Bohol para sa world title eliminator.
Samantala, hawak naman ng orthodox boxer mula Chengdu, China ang record na 14-1 at 12 wins mula sa knockouts na may nine-fight winning streak, kung saan walo rito ay nagtapos sa knockout na panalo.
Apat na Filipino boxer din ang mga naging biktima nito, kabilang si Jerry “Marksman” Francisco na tinapos sa seventh-round para sa WBO Global strawweight title nitong Agosto 3 sa Holana Resort, Quangnam.