Boxing: Dating ‘angas’ ni Ancajas, ibabalik

Jet Hilario
Photo Courtesy: wbaboxing.com/Banner by BraveHeartKid

Ibabalik ni dating super flyweight champion Jerwin “The Pretty Boy” Ancajas ang makamandag nitong angas sa boxing ring sa kanyang pagbabalik para sa panibagong dibisyon, kung saan lalabanan niya ang dating regional titlist na si Sukpraserd Ponpitak ng Thailand sa featherweight fight na isasagawa sa Setyembre 22 sa Mandaluyong City. 

Magugunitang sa huling laban ni Jerwin ay nakalasap ito ng masaklap na pagkabigo kontra kay WBO bantamweight champion Takuma Inoue. 

Plano sa ngayon ng kampo ni Ancajas na iakyat muli si Jerwin sa panibagong dibisyon matapos na mahirapan itong magpaba ba ng timbang. 

Paliwanag ng team manager ni Jerwin na si Joven Jimenez, balik tune-up na umano ito sa mas mabigat na weight division dahil hirap na rin umano si Jerwin na maabot ang 118 pounds na timbang. 

“Magbalik tune up fight na siya, pero sa mas mabigat na weight division na siya lalaban kasi hirap na siyang kunin kahit iyung 118 pounds. Nakikita namin sa sparring kapag malaki siya ay nailalabas niya iyung lakas at matibay siya. Kaya niyang tapatan at pabagsakin iyung mga nasa mabigat na weight divisions,” ani Jimenez.

Dagdag pa ni Jimenez, mas nabibigyang pansin din nito ngayon ang kaniyang lakas at tibay sa mas mabigat na dibisyon, sa mga sparring sessions din aniya ay nailalabas na niya ang kanyang tunay na lakas at tibay sa laban at kaya na umano din nito tapatan ang at pabagsakin ang makakalaban nito.