Boxing: ABAP nagsimula nang maghanap ng mga bagong Pinay boxer
Sinisimulan na ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na maghanap ng mga bagong babaeng boksingero para maging susunod na Olympians gaya nina two-time Olympic medalist Nesthy Petecio, Paris bronze medalist Aira Villegas, Irish Magno at all-around combat fighter Hergie Bacyadan.
Ayon kay ABAP secretary-general Marcus Jarwin Manalo, kinukulang pa aniya ang national squad ng mga kababaihang boksingero dahil sa limitado lamang ang atletang nais na maging parte ng national boxing na magiging kwalipikado at maipapadala sa 2028 Los Angeles Olympics.
“We’re planning to add more women boxers. We admittedly struggled in our grassroots program due to lack of human and financial resources. We had to prioritize our elite program with the short turnaround between Tokyo and Paris Olympics after the pandemic.” ani Manalo.
Bagaman, hindi pa malinaw ang magiging resulta kung mapapasama pa ang boxing event sa LA Games, sinimulan na ring salain ng ABAP ang ilang mga bagong Pinay boxer para mahasa ang mga ito sa ibang international tournaments kabilang ang Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand sa susunod na taon at Aichi-Nagoya Asian Games sa 2026.
Magugunitang nitong nagdaang Taipei City Boxing Cup noong Agosto ay nagwagi ng bronze medal sa kanyang debut fight si Clowe Tabastabas ng Puerto Princesa sa kategorya ni Petecio, habang nagwagi ng gintong medalya si Xian Baguhin sa women’s 50kgs at isa pang bronze medal mula naman kay Maria Adriana Cabalfin sa women’s under-48kgs.