Basketball: Tigasing Batang Pier nalusutan ng Hotshots
Tila nabunutan ng tinik ang Magnolia Hotshots laban sa tigasing depensa na ipinakita ng Northport Batang Pier sa pagpapatuloy ng PBA Season 49 Governors’ Cup, 105-94.
Tiniis din ng Hotshots ang hirap sa pag-tiyempo ng puntos lalo na sa second half ng laro at sinamantala ng koponan ang pagkakataon habang walang import ang Northport para makuha na rin ang kartada sa 3-2 sa Group A sa first round ng elimination.
Dahil sa pagkakapanalo ng Hotshots, bagsak ang Batang Pier sa 2-3 standing.
Samantala, nanguna naman sa panalo ng Hotshots si Glen Robinson na may 25 points at 11 rebounds, habang sina Paul Lee at Zavier Lucero naman ay nagkaroon din ng kani-kanilang double-double. Nag-ambag si Lee ng 20 points at 11 assists kasama ng limang rebounds habang ang tinanghal na best player of the game na si Lucero ay nagtala ng 16 markers at 12 boards.
Samantala, nanguna naman sa laban ng NorthPort si Cade Flores na may career-best game na minarkahan ng 23 puntos at 16 rebounds.
Habang sina Joshua Munzon, Damie Cuntapay, Arvin Tolentino at Fran Yu ay nagdagdag ng hindi bababa sa 10 puntos bawat isa.
Sunod na makakaharap ng Hotshots ang Meralco Bolts sa September 7 sa Panabo City, habang ang Northport naman ay sasagupain ang Terrafirma sa September 8 sa Ninoy Aquino Stadium.