Asst. coach Danny Ildefonso, pinapagmulta ng PBA ng P20k
Pinagmulta ng PBA ng 20,000 pesos si Converge Assistant coach Danny Ildefonso matapos ang mga inilabas nitong komento sa social media na itinuturing na nakakasira sa imahe ng PBA.
Sa naging desisyon ni PBA commissioner Willie Marcial, ipinatawag nito si Ildefonso matapos ang naging laban ng Converge kontra TNT at pinagpaliwanag sa naging komento nito sa social media patungkol sa anak nitong si Dave na napiling No. 5 overall ng NorthPort sa draft ngayong season ngunit hindi pa nakakapag-sign up sa Governors' Cup.
Nag-usap na rin si Marcial at Ildefonso sa nangyari at pinayuhan nito si Ildefonso na maghinay-hinay sa mga bagay na ipino-post sa social media na posibleng makasira sa Liga.
Aniya, nadala lamang umano si Ildefonso ng kaniyang emosyon dahil sa anak niya ang pinatutungkulan ng isang netizen sa komento.
“Nag-usap kami, tinanong ko kung ano ang nangyari. Nadala lang siya sa emotion sa mga nakikita niyang post din ng mga netizen dahil sa anak niya 'yun. Sabi ko sa kanya, ganyan talaga, kasama sa trabaho 'yan. Mas madami nga sa akin eh. Kailangan talaga, relax-relax ka lang,” ani Marcial.
Agad namang humingi ng pasensya ang ang two-time PBA MVP at Converge deputy coach na si Ildefonso kay Marcial at hindi pinangatwiranan pa ang ginawa ni Ildefonso.
"Comm, pasensya at hindi na mauulit,” ani Ildefonso
“Humingi na siya ng pasensya, hindi na mauulit. Malamang siya na 'yun kasi hindi naman siya nag-argue, hindi naman niya sinabing hindi sa akin 'yan,” dagdag pa ni Marcial.
Matatandaang sinagot ng San Miguel great ang isang fan na nagsabing dapat i-ban ng liga ang kanyang anak na si Dave dahil sa hindi pa nito pagpirma sa Batang Pier.
Sa kasalukuyan, inihinto muna ang negosasyon sa pagitan ni Dave Ildefonso at NorthPort kung saan dapat maglalaro ito sa koponan ng Batang Pier sa PBA Governors' Cup.