Anong mga premyo ang nag-aantay kay Carlos Yulo?

Paolo Barcelon
Photo Courtesy: Rappler

Ang di-malilimutang pagkapanalo ni Carlos Edriel “Caloy” Yulo sa 2024 Paris Olympics ay nagdadala ng mga benepisyo at premyo na magsisilbing alaala at marka sa kasaysayan ng palakasan sa Pilipinas.

Mula sa limpak-limpak na salapi hanggang sa mga benepisyo sa piling mga establisyemento, ang “Golden Boy” ng Pilipinas ay uuwi mula sa Paris na may samu't saring gantimpala na naghihintay sa kanya.

Tingnan natin ang mga gantimpala na iuuwi ng 24-taong-gulang na Olympian matapos ang kanyang makasaysayang takbo sa pinakamalaking entablado ng palakasan.

 

BENEPISYO MULA SA PAMAHALAAN AT MGA PANGAKO NG MGA PULITIKO

Ayon sa Section 8 ng Republic Act 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act, si Yulo ay tatanggap ng P10 milyong cash grant para sa pagkapanalo ng gintong medalya sa mga indibidwal na event. Dahil nanalo si Yulo ng dalawang gintong medalya, makakatanggap siya ng tig-isang premyo para sa kanyang pagkapanalo sa Men’s Floor Exercise at Men’s Vault events, na nagbibigay sa kanya ng kabuuang P20 milyon mula sa mga insentibong ito pa lamang.

The amount necessary for the implementation of the cash incentives and retirement benefits under this Act shall be taken from the net cash income of the PAGCOR, to be remitted directly as a special account to the National Sports Development Fund (NSDF) of the PSC,” ayon sa probisyon ng batas para sa mga pinagmumulan ng pondo.

Isang dual grant din ang naghihintay kay Yulo para sa kanyang mga medalya - mula naman sa House of Representatives. Sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na makakatanggap si Yulo ng P6 milyon mula sa Mababang Kapulungan bilang pagkilala sa kanyang dalawang gintong medalya. Isang karagdagang fundraiser para kay Yulo ay isinasagawa rin, na popondohan ng  iba’t ibang mga pulitiko.

Ang Philippine Olympic Committee ay magbibigay din kay Yulo ng sariling bahay at lote - katulad ng napanalunan ni Hidilyn Diaz noong 2020.

Makakatanggap din si Yulo ng Olympic Gold Medal of Valor mula sa Philippine Sports Commission para sa kanyang makasaysayang tagumpay.

Sa kabuuan, ang mga grant mula sa gobyerno - kapwa legal na ipinag-uutos at ipinangako, ay umaabot ng hindi bababa sa P26 milyon.

Inihayag naman ng Lungsod ng Maynila na naghahanda ito ng parada at isang “hero’s welcome” para sa double gold Olympic medalist. Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na isang “pinakamagarang pagtanggap” ang sasalubong kay Yulo at sa lahat ng mga Olympian. Ang lungsod din ay magbibigay ng sariling mga cash incentive mula sa lokal na pamahalaan.

Ipinanganak at lumaki si Yulo sa Maynila, kung saan siya nag-aral at nagsanay upang maging isang Olympic gymnast na kilala ngayon.

 

BENEPISYO MULA SA MGA NEGOSYO

Matapos ang kanyang unang pagkapanalo ng ginto sa Olympics noong Agosto 3, ang property giant na Megaworld Corporation ay unang nagbigay ng P3 milyong cash grant at isang fully-furnished na two-bedroom condominium unit na nagkakahalaga ng P24 milyon.

Pagkatapos kumalat ang balita ng kanyang ikalawang ginto, in-upgrade ng Megaworld ang kanilang condo grant sa Golden Boy, na nagbigay sa kanya ng three-bedroom unit sa McKinley Hill, Taguig, na nagkakahalaga ng P32 milyon.

“Since this is a very significant milestone in the history of Philippine sports to have two gold Olympic medals during our 100th year participation as a country in the Olympics, which also coincides with our company’s 35th anniversary this year, we are boosting our reward for Carlos Yulo now totaling to P35-million,” sabi ni Megaworld President Lourdes Gutierrez-Alfonso sa isang pahayag na inilabas noong Agosto 5.

Ang roasted chicken brand naman na Chooks to Go ay magbibigay din ng P3 milyong cash grant sa Olympian. Ang SM Retail group ay magbibigay naman ng P1 milyong halaga ng mga libreng item mula sa kanilang mga department store at supermarket chains.

Habambuhay na mga benepisyo rin ang naghihintay kay Caloy. Kabilang dito ang pagpili ng makakainan, dahil nabigyan siya ng lifetime free buffet mula sa Vikings restaurant, libreng pagkain at inumin sa lahat ng Tipsy Pig Gastropub branches, pati na rin libreng double-double boxes mula sa BOK Korean Fried Chicken, libreng pagkain sa JT’s Manukan Grille (Kalayaan Branch) at Mang Inasal, isang lifetime cookie supply mula sa Cookies by The Bucket, at isang libreng franchise mula sa Don Macchiatos at Don Lemon.

Makakatanggap din si Yulo ng libreng habambuhay na supply ng ramen mula sa Makimura Ramen Bar, at siya at ang kanyang kasintahan ay makakatanggap din ng libreng ramen mula sa Hagemu Sushi and Ramen Bar.

Makakatanggap din siya ng P100,000 libreng furniture shopping spree mula sa Apollo Home Depot, libreng habambuhay na engineering design mula sa Nexa Engineering, at libreng habambuhay na konsultasyon mula sa gastroenterologist na si Dr. Virgin Lo, na kilala rin bilang “PinoyGastro.”