Alas Pilipinas, sasagupa sa Thailand bukas sa SEA V.League Leg 1

Makakaharap agad ng Alas Pilipinas ang host team Thailand sa pagbubukas ng SEA V.League Leg 1 bukas, Agosto 1, sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Isasagawa ang laban sa ganap na ika-6 ng gabi, kung saan muling masusubukan ang husay at galing ng mga Pinay spikers para patunayan ang kanilang lakas laban sa powerhouse team ng Southeast Asia.
Nakataya rin sa seryeng ito ang mahahalagang FIVB world ranking points. Kung kaya naman target rin ng Alas Pilipinas na mapaganda ang kanilang kasalukuyang ranggo bilang World No. 47, at bawat panalo ay isang hakbang paakyat sa internasyonal na entablado.
“The main expectation is always for us to keep on growing, and as we keep on talking to players, the result is always a consequence,” ani de Brito.
Pangungunahan ni team captain Jia De Guzman ang Alas Pilipinas kasama sina Eya Laure, Leila Cruz, Vanie Gandler, Bella Belen, Angel Canino, Alyssa Solomon at Shaina Nitura.
Bukod pa riyan, kasama rin nila sa koponan sina Maddie Madayag, Mars Alba, Dell Palomata, Fifi Sharma, Thea Gagate, Dawn Catindig, Justine Jazareno at Cla Loresco.
“This lineup is good, but we need to grow a lot as a team. It’s a process, and in that process, we have to win ourselves every single day,” sabi ni de Brito.
Samantala, hindi makakasama sa lineup sina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips ng Petro Gazz maging si Tia Andaya ng Choco Mucho dahil hindi pa ayos ang kanilang mga dokumento sa international volleyball federation (FIVB).
Matapos ang laban sa Thailand ay sunod namang lalabanan ng Alas Pilipinas ang Vietnam sa Sabado, Agosto, 2 ng alas-2:30 ng hapon at ang Indonesia sa Linggo, Agosto 3.
Aarangkada naman ang Leg 2 ng SEA V.League sa Agosto 8 hanggang 10 sa Vietnam.
Ang nasabing SEA V.League tournament ay bahagi ng preparasyon ng Alas Pilipinas para sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa darating na Disyembre.
