Aira Villegas, tuloy ang laban para sa pangarap na Olympic gold

Jet Hilario
Photo courtesy: Richard Pelham/Getty Images

Ipagpasalamat ni bronze medalist winner Aira Villegas ang pagkakataon at ang tagumpay na kaniyang nakamit sa katatapos na Paris Olympics. 

Subalit tila hindi pa kuntento ang Pinay boxer sa nakuhang bronze medal at nakukulangan pa siya sa nakamit na medalya kaya gusto pa nitong makakuha ng mas mataas na premyo at karangalan  sa mga darating pang Olympic Game.

Kahit na hindi makapaniwala si Villegas na nakapag-uwi ito ng medalya at tagumpay para sa bansa pero para sa kaniya hindi pa nito nakamit ang pinaka layunin ng pagsali niya sa Olympics, ang makakuha ng gintong medalya. 

"Alam ko na ako ay isang bronze medalist ngunit hindi ito nararamdaman. Parang kailangan ko pa ng medal. Hindi ko talaga naramdaman. Oo, medalist ako. I am very grateful for that, very grateful for the blessings pero hindi ko pa rin talaga nararamdaman. Kailangan ko pang magsumikap para maabot ko ang aking layunin,” ani Villegas

Ang boksing event ay wala  sa listahan ng 2028 LA Olympic program at inaasahang sa kalagitnaan pa ng 2025 dedesisyunan kung ibibilang pa ito sa mga sporting event para sa 2028 LA Olympics. 

Matatandaang isa ang boksing sa mga laro sa bansa na madalas salihan ng maraming atletang Pilipino at siyang laro din na nakapagbigay ng karangalan sa bansa sa mga nakalipas na Olympic Games kabilang na sina Nesthy at Aira. 

Ayon kay  Association of Boxing Alliances in the Philippines secretary-general Marcus Jarwin Manalo, isa aniya sa mga dahilan kung bakit hindi nakalista ang boxing sa Olympic program ay dahil inalis na ng International Olympic Committee (IOC) ang pagkilala nito sa International Boxing Association (IBA) bilang isang International Federation.

"Magiging kritikal ito dahil sa susunod na linggo ay magkakaroon ng ASBC Extraordinary Congress na magaganap sa Abu Dhabi at isa sa mga pangunahing punto na tatalakayin ay ang paglahok ng Asian National Federations sa World Boxing. Sinasabi ko na ito ay critical dahil marami pa ring Asian countries na hindi pa rin miyembro ng World Boxing,” ani Manalo.

Samantala, katapusan naman ng Agosto ay malalaman din sa isasagawang Extraordinary Asian Boxing Confederation (ASBC) Congress ang magiging katayuan ng boxing event kung ito ay isasama pa ng IOC sa 2028 LA Olympics.

"Kung ang mga bansang ito ay sumali sa World Boxing, sa palagay ko ay talagang makumbinsi nito ang IOC na ito ay maaaring kumatawan sa boksing sa antas ng Olympic." dagdag ni Manalo

Gusto din ni Villegas na makatulong sa mga kabataan sa paghubog ng kanilang kakayahan sa larong boksing sa pamamagitan ng pagkakaroon ng boxing gym, pero wala pa ito sa kniyang plano sa ngayon at hindi niya minamadali ang kaniyang sarili dito. 

“Huwag tayong magmadali. Gaya ng sinasabi ng mga tao, in God’s perfect time. Let us be grateful in the present and think that you will be able to reach the position of those people who went before you, wag lang magmadali,” ani Villegas.

“Maaabot natin lahat ng ating mga pangarap. Ngunit tandaan na hindi lamang patuloy na mangarap at mangarap, kailangan mong isama ang kasipagan  at pagsisikap.” dagdag pa ni Villegas