Aira Villegas mag-uuwi ng bronze medal
Kahit nabigong makausad sa finals, maluwag na tinanggap ni Pinay boxer Aira Villegas ang kaniyang pagkatalo kontra sa kaniyang kalabang Turkish boxer na si Buse Naz Cakiroglu sa score na 5-0 via unanimous decision.
Bagaman si Cakiroglu ay seeded number 3 at dominado ang laban, mula simula hanggang huling round ay sinikap pa rin ni Villegas na makabawi sa kanyang kalaban.
“Hindi naman po ako super disappointed, kasi ginawa ko yung best ko,” ani Villegas
Aminado si Villegas na malakas ang kaniyang naging kalaban at tiniyak niyang babawi siya sa mga susunod niyang laban sa international boxing events.
Ito ang kauna-unang pagsabak ni Aira sa mundo ng Olympics.
Dahil dito ay tiyak nang may maiuuwing bronze medal si Aira sa pagbabalik nito sa bansa.
Kahit bronze medal lang ang maiuuwi ng isang tulad niyang Olympic first timer ay itinuturing pa rin niya itong isang malalking tagumpay.
Samantala, nag-paabot na ng pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Villegas dahil sa pagkakasungkit nito ng bronze medal sa Paris Olympics.
Sinabi ng Pangulo sa kaniyang Facebook post na pinasaya ni Villegas ang mga Pilipino at nagsilbi itong inspirasyon para sa mga kabataan.
“Congratulations, Aira! That was a knockout performance in your Olympic debut! You made us all proud and surely an inspiration to young Filipinas. Thank you for bringing home the bronze. Mabuhay ka!”