ABAP, tiwalang makapag-uuwi ng medalyang ginto ang Pilipinas

Rico Lucero
PHOTO COURTESY: THE POST

Tiwala si Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) Chairman Ricky Vargas na makakapag-uwi ng gintong medalya ang mga pinoy boxing athlete ng bansa sa 2024 Paris Olympics.

Sinabi ni Vargas na lubos ang naging paghahanda ng 5 boxing athlete ng bansa para sa paparating na Olympic Games.

Dagdag pa nito na kung nakakuha ang mga pinoy boxing athlete ng silver medal sa nakaraang  Tokyo Olympics ay hindi aniyang malabong makakuha na ito ng gintong medalya sa Paris Olympics.

Ilan naman sa mga inaasahan ni Vargas na makakapag-uwi ng gintong medalya ay sina Eumir Marcial, para sa light heavyweight (80kg), Carlo Paalam, para sa featherweight (57kg), Aira Villegas para sa  light flyweight (50kg), Nesthy Petecio para naman sa featherweight (57kg)  at Hergie Bacyadan para sa middleweight division (75kg).

Matatandaang nakapasok sa Olympics si Marcial matapos na makausad sa finals ng Asian Games sa Hangzhou noong nakaraang taon habang si Villegas at si Petecio ay nakapasa sa unang World Qualifying Tournament sa Italy noong Marso.

Si  Paalam at Bacyadan naman ay nakapasok sa Olympics sa pamamagitan ng panalo  sa ikalawang World Qualifying Tournament sa Bangkok, nitong nakaraang buwan ng Hunyo.