6th Asian Indoor and Martial Art Games sa Thailand, kanselado na

Jet Hilario
Photo courtesy: gmanewsonline

Tuluyan nang kinansela Olympic Council of Asia (OCA) ang 6th Asian Indoor and Martial Art Games na nakatakda sanang isagawa sa Bangkok, Thailand sa Nobyembre 21 hanggang 30. 

Ginawa ng OCA ang kanselasyon dahil sa iba’t-ibang dahilan kabilang na dito ang kakulangan ng budget, kasama na ang infrastructure facility at iba pang mga kakailanganin sa pagho-host ng nasabing sporting game. 

Sinabi ng OCA sa isang liham na ipinadala nitong Agosto sa mga miyembro ng National Olympic Committee (NOC) na ang naturang quadrennial sporting event na orihinal na nakatakdang maganap sana noong pang  2021 at na-postpone ng ilang pagkakataon  ay opisyal nang nakansela.

Samantala dismayado naman ang Philippine Olympic Committee (POC) sa inilabaas na abiso ng OCA  lalo na at  ilang mga atleta sa bansa ay nagsisimula na sa kanilang paghahanda para sa AIMAG.

Sinabi ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino na wala na silang magagawa tungkol dito at iginiit na kailangan na nilang umasa sa iba pang malalaking Olympic sporting events.

"Nakakadismaya, ngunit kailangan nating magpatuloy," ani Tolentino 

May nakahanda sanang 421 na mga atleta ang na ipapadala sa AIMAG sa layuning malampasan ang dati nitong rekord noong 2017 kung saan humakot ang bansa ng 30 medalya, kabilang ang isang pares ng gintong medalya mula kina Meggie Ochoa at Annie Ramirez sa larangan ng jiu-jitsu.

"Inaasahan naming pagbutihin ang dalawang gintong medalya na napanalunan nina Meggie [Ochoa] at Annie [Ramirez] sa jiu-jitsu gayundin ang 14 na pilak at 14 na tansong medalya na nasungkit noong 2017 edition sa Ashgabat [Turkmenistan]," dagdag pa  ni Tolentino.